Pages

Tuesday, June 12, 2012

Nagyoyosi ka ba?


Isang maikling sanaysay para sa araw ng kalayaan, gamit ang kinalakhan kong wika...

Hindi ko talaga alam bakit sa tuwing papatak ang alas dose di ko mapigilang mangasim sa yosi. Tila ba may demonyong humahatak sakin paalis ng station ko para humitit sa labas ng mapanirang-baga na usok. Eh pano ba naman sa lamig ng opisina na pinagtatrabahuhan ko, sino ba naman ang di mapapayosi! Tanghaling tapat, tagaktak ang pawis, tila ako litson na pinaiikot ng kawayan sa nagbabagang uling. Di ko malaman bakit pa ako lumabas ng opisina gayong duon malamig, dito naman saksakan ng init.

            ‘Lights nga!’ ika ko dun sa takatak boy na maya’t maya umiikot sa gilid ng mga railings ng bilding na pinapasukan ko. Sa gilid kung san ako nakatayo malapit sa baitang paakyat ng gusali, nakatayo din yung mga taong giyang, na kagaya ko maya’t maya din ang hitit sa mga nagbabagang tabako na umuupos sa mga abo na nagsisilbing mga alaala ng kangina’y matikas na Marlboro. Pero sa totoo lang, kung may tatanungin ka bakit nagyoyosi yung mga tao dito, wala kang makukuhang matinong sagot eh. Laging hanging yung mga sagot kumbaga mga sagot ni boy pick-up minsan eh, walang direksyon walang pinatutungkulan.

            Teka nagkakalimutan, yung dahilan nga pala, teka nyemas naman “ano nga ba?” dahil nga ba pag humihitit ka nito para kang si Rudy Fernandez na astig hawak mo lagi ang fortune sa buhay mo? O para kang isang cowboy na gwapings na malupit maghagis ng lubid sa kabayo? Di man para kang isang action star na tamang nagyoyosi pampadagdag ‘bad-ass’? Isa yan sa tingin ko sa mga dahilan ng iba, pero kung uugatin natin yung lalim ng pagkahumaling sa nikotina di na siguro natin mahuhukay pa.

            Grabe yung init, wala naman talagang koneksyon yung init sa pagyoyosi ko! Siguro talagang naiinip lang ako sa paulit-ulit na pangyayare sa opisina. Papasok, magtatrabaho, makikipag-plastikan sa mga plastic na katrabaho, kakausapin yung iilang tropa sa station, mababagot, makakatulog ng dilat at mag-iisip na sana alas siete na at makaka-uwi na din sa wakas! Teka di ko napansin, kangina pala nung pababa ako sa elevator yun ang naiisip ko habang nagigiyang ako magyosi. At habang hinihitit ko tong yosi na to, naisip ko bigla; kaya naimbento ang yosi kasi nabobored ang mga tao.

            Tamang hintay ako sa sa pinsan ko kasi kanina pa ako nakalabas ng opisina, sya naman eh palabas palang. Grabe nakaka-bagot tumayo sa gilid ng bangketa na nakikita mo yung mga mukha ng mga burgis at mga nagpapanggap burgis na naglalakad habang kumakain ng magnum at humihitit ng starbaks (status symbol ang magnum at starbaks wag ka!). dulot ng pagkainip di ko malaman ang gagawin ko, hinawakan ko ang celfone, naghintay na may mag-text. Wala. Tumingin sa tabi-tabi, pinandaw ang paligid baka may tropa. Wala. Kinapa ang bulsa, may matigas; lighter! Binunot ko yung yosi sa bag ko, lights na Marlboro, sinindihan-hinitit-dinama ang usok-binuga sa ere-humitit muli. Paulit-ulit gang sa maubos ang isang stick, sindi ulit! Isa din pala sa dahilan ang pagka-inip sa pagyoyosi, Damn!

            Alas otso y media, wala pa ding pinsan, kalahating kaha na ang naitumba, pa-ubos na yosi at nandito pa din sa gilid ng banketa—naiinip (sabay buga ng huling hitit).

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...